Fourth Day Novena to Our Lady of La Naval – 5 October 2020

Holy Mass on the Fourth Day of the Novena
in Honour of Our Lady of La Naval

Homily by Rev. Fr. Lauro de Dios, OP
Santo Domingo Church, Quezon City
5 October 2020
(video)

Nakalipas na naman po ang isang taon, mga kapatid. At tayo’y nagkakatipon muli sa Dambana ng Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo, La Naval de Manila. At sa ating pagdalong muli sa mga Nobena’t Misa, tulad ng dati tayo’y namimintuho’t bitbit natin ang ating mga hinihiling, bitbit ang ating mga hinanaing, bibit ang kanya-kanyang takot at saya sa nakaraang taon, bitbit ang walang humpay na pasasalamat sa mga biyaya na hindi pinagdamot ng Diyos sa atin.

Bagama’t may iniinda ang bawat isa, lalong-lalo na ngayong panahon ng may krisis, may pandemya. Para bagang meron tayong salubsob sa talampakan, may pangambang itapak sapagkat makirot ngunit di makita kung nasaan ang salubsob. May pagaagam-agam na humakbang upang ipagpatuloy ang buhay ngunit naroon ang takot sapagkat di naman makita kung nasaan ang kaaway.

Ngunit di tayo natitinag sa ating paniniwala na mas malaki ang ating pananampalataya, mas malaki at makapangyayari ang pag-ibig ng Diyos kaysa kung anuman ang ating hinaharap at ikinakatakot ngayon. Kaya nga naririto tayong muli sa silong ng Dambana ng Mahal na birhen, pinag-iisang pilit ang puso’t isip. Nakikiusap di lamang sa Birhen ng Santo Rosaryo, di lang sa mga Banal ng Santo Rosaryo bagkus sa bawat isa na naririto ngayon.

Alam niyo, mayroon tayong minsang pagkakamali, pag tayo’y pumapasok ng Simbahan o ganito ang ginagawa natin, bitbit lang natin yung sarili nating kahilingan. Narito ba kayo para ipagdasal niyo yung kapwa niyo? Iyang katabi niyo? “di ko naman iyan kilala Father” diyan masusukat kung paano tayo isang Simbahan. Kaya nga gusto ko sana, lingunin niyo ang inyong nasa kanan, inyong nasa kaliwa, nasa harap, nasa likod at sabihin niyo -huwag na kayong mag-kamayan, kahit huwag nang magsalita- itango niyo lang ang ulo niyo “pagdadasal kita kapatid.” Kung kayong 300 na naririto at hindi tayo karapat dapat sa biyaya ng Diyos dahil sa ating mga pagkukulang, alam niyo kahit mayroon lang na isa dito sa atin, isa lang na kinalulugdan ng Diyos, bibitbitin ng kanyang mga panalangin ang inyong panalangin. Kaya nga hindi lang yung dasal ninyo yung inyong dapat na dala-dala bagkus yung dasal ng bawat isa.

Sa mga nakaraang buwan, di mapagkaila na nabago po ang takbo ng ating buhay para baga tayong nabubuhay sa isang mundo na hindi natin inaasahan at tinatawag na natin ngayon itong ‘new normal’. Normal na ngayon ito sa ating buhay, parang di natin kayang ibalik ang dati nating nakaugalian, kung ibalik man may naka-ambang panganib at habang tinatanaw ang bukas mukhang Malabo, hindi tiyak. Nilumpo tayo ng matindi ng pandemyang ito at marami sa atin ang Nawala, marami ang naglaho. Kaya nga kung tatanungin ko kayo, ano ang Nawala sa inyo noong nakaraang buwan? siguro sasabihin niyo “marami, Father” di tayo magkamayaw na isa-isahin yung gma Nawala sa atin pero yung aking mga naririnig sa mga taong malalapit sa akin “Father, nagpundar po kami ng hanapbuhay noong Enero. Dumating ang Marso, naglahong parang bula at ito ngayon may utang pa ako. Father ako po, na lay-off sa trabaho, wala na akong trabaho. Ako po nagearly retirement.” Para doon sa mga young professionals na nag-iipon para sa kanilang kinabukasan, sa loob lang ng ilang buwan naglaho din na parang bula na sana ipinupundar para magkaroon ng bahay, para sa kanilang pamilya pero nawala. At dala ng ating iniinda ay sakit, may mga taong magsasabi “Father, nawalan po ako ng magulang, namatay ang aking nanay, namatay ang aking tatay, namatay po ang aking asawa, ang aking anak, ang aking kapatid, ang aking kapatid.” Maraming Nawala, maraming naglaho.

Kaya nga kung hihimay-himayin natin ang mga bagay na nawala sa atin, isa-isahin natin mula sa simpleng pitaka nadukutan ka, nawalan ka ng trabaho, nawala ang negosyo, nanakaw ang gma halamam mo na mga plantito’t plantita at gayon din yung mga pumanaw nating kaibagan at mahal natin sa buhay, masakit. Lalo na kapag Nawala yung tao, oka lang yung bagay pero yung tao, masakit. Hindi lang tayo nanghihinayang bagkus may hapdi na nararamdaman sa di inaasahang pagpanaw. Pinasok sa ospital o kinuha sa bahay dahil maysakit, hindi pwedeng samahan sa ospital sapgkat nakakahawa, iyon na pala yung huling pagkikita at susunduin na lang sa punerarya, abo na. masakit.

Kada araw po mga kapatid, halos 28 kababayan natin ang namamatay, sino kaya bukas? Pag 28 kailangan ulit tomorrow, that’s the average. Sino kaya sa makalawa? Ba’t nagbababaan ang ulo ninyo? sino na naman kaya ang pamilya ang mawawalan ng mahal sa buhay? Sino na naman kaya ang pamilya na tatangis?

Masakit na mawaln ka ng mgahal sa buhay pero mas masakit na habang binabata ang hirap, iniinda ang kamalasan ng buhay na dumating, sinusuong ang bawat araw na hindi alam kung ano ang mangyayari, parang pati ata ang diyos nawawala rin. Parang di ata nakikinig ang langit, kahabahaba ng ating gma dasal, debosyon, pati ang Oratio Imperata ni-revise pa, parang di masumpungan yung Diyos. Ang sabi nga nung kanta “natutulog ba ang Diyos?” nakakapagod, nakapanlulumo

Kaya di natin maiwasan na sa ganitong panahon na nawawala isa-isa sa iyo, ito yung Kalayaan mo, yung hanapbuhay mo, nawawala rin ba yung Diyos? Bakit siya ni hindi maramdaman? Kung tayo’y balisang-balisa sa mga nangyayari sa atin at gayon sa paghahanap natin ng tulong mula sa Diyos, di tayo nalalayo sa nararamdaman ng Mahal na Ina sa Mabuting Balita. Sa kanyang paghahanap sa kanyang nawawalang anak, ang batang Hesus, hindi siya nagatubili na sabihin ang kanyang nararamdaman matapos niyang makita si Hesus sa templo, ano ang sabi ng Mahal na Ina “Anak, bakit mo naman ginawa ito sa amin? Lubha ang aming pagalala sa iyo sa paghahanap sa iyo.”

Tulad ni Maria, sabihin din natin ang ating nararamdan sa Diyos, maging totoo tayo, magalit tayo kung gusto nating magalit, sumbatan natin siya kung gusto nating sumbatan, huwag nating bolahin ang Diyos sapagkat hindi siya makukuha sa mga matatamis na salita. Minsan pinipili natin kung ano ang iuutal natin, yung idadasal natin pero nagtatampo yung kalooban, mas gusto natin o gusto ng Diyos na sabihin mo sa kanya yung totoo. Kung kailangang umiyak ka, umiyak ka. Kung kulang ang mga salita upang sabihin mo ang gusto mong sabihin, minsan mas Mabuti na hayaan mo na Lang ang luha ang mangusap sapagkat masama ang loob.

Babalikan natin ang Mabuting Balita muli. Sa unang sulyap, parang di maayos yung sagot ng Batang Hesus matapos sabihin ni Maria kung bakit sila balisa sa paghahanap, ano lang ang namutawi sa bibig ng batang Hesus? “bakit ninyo po ako hinahanap? Hindi po ba ninyo alam na ako’y dapat mamalagi sa bahay ng aking Ama?” alam niyo kung nabubuhay lang ang aking lola at napakinggan ang ganitong sagot mula sa bibig ng batang ito, makukurot ito ng aking lola sa singit. Pabalang sumagot pero ganon ba ang gustong sabihin ni Hesus? siya ba’y pabalang sumagot sa kanyang Ina, sa palagay ko hindi, sinasabi lang ng Batang Hesus “hindi po ako nawawala kung ako ma’y nawalay sa inyong piling sa loob ng 3 o 6 na araw, alam ko kung saan ako pupunta at alam niyo kung saan ako hahanapin. Ako’y safe sa bahay ng aking Ama.”

Kaya ganon din ang gustong sabihin sa atin ng ating Panginoong Hesus “kapatid, hindi ako nawawala. Alam niyo kung saan ako hahanapin, naroon ako kung ansaan ang aking Ama. Naroon ako sa kanyang thanan, naroon ako sa kanyang dambana” kaya tama sa bawat panahon na my krisis at sarado ang mga Simbahan, naroon pa rin sa labas ang iba nating mga kapatid kahit nakapinid ang pinto ng simbahan, nagdarasal ng taimtim ang iba ay nakataas ang mga kamay naglalarawan sa sinasabi ng Salmo “pakinggan mo sana ako sa paghingi ko ng saklolo kapag tinaas ko ang aking kamay sa iyong banal na tempo.” Kahit nakapinid ang pinto ng mga simbahan, alam na isang nagmamahal na Kristiyano kung saan matatagpuan ang Diyos.

Pero may mas mahigit na dapat tayong maunawaan mga kapatid, hindi lang sa Dmabana masusumpungan ang Diyos, tandaan ninyo ang kanyang pangako sa atin sa aklat ni Juan -sino sa aitin dito ang nagmamahal kay Hesus? wala?! Uwi na tayo nagaaksaya tayo ng panahon. Sino dito kahit mahirap, sinusunod ang kalooban ng Panginoon? Ito ang pangako niya sa aklat ni Juan “ang umiibig sa akin at tumutupad ng aking salita, iibigin siya ng aking ama at kami’y pupunta’t mananahan sa kanya.” Kadalasan, hinahanap natin ang Diyos kung saan-saan, kaya nga minsan hindi na si Hesus yung nawawala, tayo na ang nawawala at nagwawala minsan sapagkat hinahanap natin siya sa mga lugar na nagdadala ng panandaliang aliw, hinahanap natin ang Diyos sa isang dosenang beer, hinahanap natin siya sa mga makamundong bagay. Ang layo-layo ng tingin ngunit naroon Lang siya sa puso natin, at kasama-sama natin siya tuwi-tuwina.

Nakalimutan natin mga kapatid na tayo rin ay tahanan ng Panginoon. Kaya sa gitna ng mga hirap na ating iniinda, huwag tayong bibitiw, hwag tayong tatalikod sa kanya, huwag natin siyang hanapin kung saan-saan, hanapin mo siya sa kanyang tunay na tahanan at ang tahanang iyan ay walang iba kundi ikaw.

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s