Holy Mass on the 6th Sunday of Easter (Year A)
Homily of Fr. Howard John P. Tarrayo,
Member, Team Ministry, Diocese of Malolos
MALOLOS CATHEDRAL, Malolos, Bulacan
17 May 2020
(video)
Good Morning my dear brothers and sisters [faithful responds] mukha po atang gutom na po kayo, magandang Umaga po sa inyoong lahat. Magandang Umaga din po sa mga Kaparokya, mga taga-subaybay at mga nagsisimba sa kanya-kanyang tahanan.
Mga kapatid ngayon po ay ika-anim na Linggo sa Karaniwan -hindi pala Karaniwan- sa Pasko ng Pagkabuhay. Though, tayo ay nagiging karaniwan na yung pangyayari sa ating mundo na laging walang tao sa Simbahan. Pangkaraniwan na yung pangyayaring may naiinfect, pangkaraniwan na yung merong nagugutom. Pero mga kapatid, ang mga pangyayari sa mundo natin ngayon ay pinapaalala ng Unang pagbasa na ating napakinggan.
In the First reading, the disciple or the Apostles of our Lord Jesus Christ experience persecution together with the early Christian communities, bakit? bawal mangaral, bawal makinig sa Salita ng Diyos, bawal magtipon-tipon! Pero ano ang sinabi ni Felipe sa mga taga-Samaria at pati ni Pedro at ni Juan, huwag kayong matakot sapagkat ang Diyos ay sumasainyo sa kabila ng mga pagdurusang hinaharap ninyo. Tayong lahat mga kapatid ay humaharap sa matinding pagsubok, humarap sa mga suliranin sa kalusugan man iyan, problema man iyan sa tahanan, problema man iyan sa lipunan lahat po tayo ay may hinaharap na suliranin. Pero hindi ba’t hindi nagkukulang ang Diyos sa pagbigay sa atin ng pag-gabay upang ikaw ay hindi maligaw.
Mga kapatid, ang mga unang Kristiyano man ay naliligalig, nasisiphayo, naguguluhan ang pananampalataya pero palaging nariyan ang mga Apostol na nakakita sa Kristong muling nabuhay na nagpapatotoong huwag kayong matakot, huwag kayong magulumihanan narito angDiyos na magliligtas sa inyo at papaano natin ito maipapahayag sa ibang tao kung tayong lahat ay magiging envoy of the Risen Christ, papaano po iyon? Huwag kang magpalagananp ng kasamaan, magmahal ka ng totoo, ipakita mong pagiging tao sa kapwa mo, magpapatotoo ka sa Kristong muling nabuhay.
Mga kapatid, ito ang sinasabi ng mga Apostol sa Unang pagbasa. Kaya nga po mga kapatid sa ikalawang pagbasa, sa unang sulat ni Apostol San Pedro ipinapakita po sa atin na si Pedro mismo na nahihirapan ay nasagsasabi sa kanyang Simbahan na huwag kayong magulumihanan, huwag kayong matakot kahit na akong inyong lingod ay naguguluhan at nahihirapan ngunit ako’y hindi sumusuko sapagkat nakakapit ako sa Kristong muling nabuhay. Mga kapatid, sa kabila ng problemang iyong kinahaharap, kumakapit ka rin ba kay Hesus o sa iba ka kumakapit? Mga kapatid lagi po ninyong tatandaan, “ang taong gipit kay Kristo kumakapit.” Wala na po tayong ibang kakapitan, huwag na kayong kumapit sa patalim, huwag na kayong kumapit sa kasalanan, kay Kristo ka kumapit ikaw ay magagabayan.
Kaya nga po sa ating Ebanghelyo, sa Ebanghelyo ni San Juan ipinapakita sa atin si Hesus, ipinangako niya sa mga Alagad na hindi kayo iiwanang ulila. Ano ba ang pakiramdam ng isang ulila? Di ba walang-wala; wala kang magulang, wala kang lider, wala kang taong gagabay at papatnubay sa iyo, nakakatakot po iyon pero mga kapatid, Jesus gave his disciples an assurance, a guide, an advocate at sino po ito? the Paraclete, sino ba ang Paraclete, it is the Holy Spirit. This Sunday will be our bridge towards Pentecost, ipapakita pong ganap ang Espiritu Santo sa huling Linggo ng buwang ito, sa Linggo ng Pentekostes. If the Spirit is our advocate, if the Spirit is our guide kung tayo ay nananatili sa Espiritu ng Diyos, hindi tayo matitinag na magmahal sa kabila ng suliranin na meron tayo sa mundong ito. Ang pagmamahal ng Diyos katulad po noong nakaraang Linggo ay banayad at tapat. Ngayon naman mga kapatid kung mananatili ka sap ag-ibig ng Diyos, kung mananatili ng tapat sa kanya hindi ka maliligaw ng landas, ikaw ay magagabayan ng tama at totoo.
Mga kapatid, ang Espiritu Santo ay napakalaki po ng gampanin sa bawat Kristiyano. Kung ikaw ay nanatili sap ag-gabay ng Espiritu Santo, hindi ka gagawa ng kasamaan, hindi ka tutunguan ng diyablo sa dila upang ipakalat ang masamang balita sa ibang tao. Yan nga po yung problema ng mga tao parang napoposess ng demonyo ang galing-galing gumawa ng tsismis, ang galing-galing gumawa ng fake news, ang galing-galing gumawa ng kasamaan sa ibang tao pero yung paggawa sa kapwa, hindi magawa kasi wala ang Espiritu, kasi hindi pinanahanan ng Espiritu ng Diyos ang kanyang puso. Kasi mga kapatid, kung ang pag-ibig ng Diyos ang mamumutawi sa atin, kabutihan ang gagawin natin sa kapwa hindi kasamaan, hindi kasiraan kasi ayaw ng Diyos na magkasira-sira tayo, ayaw ng Diyos na magkabaha-bahagi tayo kaya ano ang ibinibigay niya sa atin; pag-ibig, patnubay, gabay.
It is a challenge for us, lalo na ngayon na tayo’y humaharap sa matinding pagsubok lalo na po ang pagsubok na ito ng sakit na ito. Wala naman pong namamatay sa sakit, alam niyo kung saan namamatay ang mga tao? sa lungkot. Sa lungkot na wala na silang kaibigang dadamay sa kanila, sa lungkot na dahil sila’y tinubuan ng ubo, ng sakit lahat ng mga taong naniniwala sa kanila, tinalikuran sila dahil ang mga taong nalulungkot ay mga taong hindi nakararamdam ng kapwa-tao. At ayaw ng diyos na malungkot ka, ayaw ng Diyos na maiwan ka, ayaw ng Diyos na talikuran ka kaya walang ibang maibibigay ang Diyos kundi mahalin ka. At papaano natin mapapanatili ang pag-ibig ng Diyos sa atin, ito po’y sa pagbahagi natin ng pag-ibig natin sa iyong katabi, sa iyong kapwa, sa gabay at patnubay ng Espiritu. Kahit ano pong sakit iyan, kung tayong lahat ay nagmamahalan, wala yung sakit na iyan, walang taong magugutom, walang taong maghihirap kung lahat ng tao’y nagmamahalan at nagtutulungan, walang taong magsisiraan kung lahat ng tao’y nakikita ang larawan ng Espiritu at ng Diyos sa kanila.
Mga kapatid, ito po’y hamon sa atin ngayong Ika-anim na Linggo ng Panahon ng PAsko ng Pagkabuhay ng Panginoon. Panatilihin mo ang pag-ibig ng Diyos sapagkat iniwan ka niya ng gabay upang ang katabi mo, upang ang kapwa mo ay magabayan at matulungan mo. Pawiin ang lungkot, pawiin natin ang paghihirap, pawiin natin ang lahat ng ito sa pagbabahagi natin ng pag-ibig ng Diyos sa ibang tao, sa ating kapwa-tao.
Mga kapatid, sa pagpaaptuloy ng ating Banal na pagdiriwang, sa pagtanggap natin ng Katawan ng ating Panginoong Hesukristo sa Banal na Eukaristiya, nawa’y lagi nating maalala ang kanyang pag-gabay, ang kanyang patnubay sa pag-ibig niyang hindi mauubos at kukupas. Amen.