Holy Mass for the Wednesday of the Thirty-fourth Week in Ordinary Time
Homily of Fr. Daniel Hui, Parochial Vicar
QUIAPO CHURCH, 27 NOVEMBER 2019
Isang magandang Umaga po sa inyong lahat.
Ang Diyos, hindi magpapabaya. Naniniwala ba kayo doon? Sabihin mo nga sa katabi mo “Ang Diyos hindi magpapabaya.”
Ang hirap maniwala kapag ikaw ay may problema, ang hirap maniwala kapag ikaw ay may sakit ngayon, ang hirap maniwala kapag ikaw ay nasasaktan ngayon pero ito ang malinaw na sinasabi sa atin ng ating Ebanghelyo ngayon. Ito ang sinasabi ni Hesus sa kanyang mga Alagad.
Darating ang panahon may mga taong kapopootan ka. Darating ang panahon may mga taong uusig sa iyo, may mga galit sa iyo, may mga hindi magkakagusto sa iyo. Darating ang panahon at mayroong panahong ganoon. Kahit naman kaming mga Pari, hindi naman lahat, may gusto sa amin, karamihan galit. Minsan inuusig din o pinagsasalitaan din ng hindi maganda kadalasan tsinitsismis kami -tanung niyo pa dito sa lingkod namin, iyan yung mga number one sa amin. Pero darating ang panahon talagang may mga taong uusig at hindi magkakagusto sa iyo. Ngunit ang sinasabi ni Hesus, hindi siya magpapabaya. Siyang bahala sa iyo. Hindi siya magpapabaya, magtiis ka lang. Siya ang bahala sa iyo.
Kadalasan tayong nagpapabaya. Kapag may sakit, kapag may nagagalit sa iyo, kapag nasasaktan ka, kapag nahihirapan ka, kapag may problema ka imbes na lumapit sa Diyos, lumalayo. Napapabayaan ang pannampalatayan, napapabayaan ang relasyon sa Diyos, napapabayaang magsimba, napapabayang magdasal. Ito ang sinasabi sa atin “huwag magpabaya” sapagkat talaga namang may panahong hindi maayos ang lahat, may panahong umuusig o may nang-uusig sa atin, minsan kahit kaibigan mo na inuusig ka pa. Naranasan ko rin iyon, kaibigan mo na, inuusig ka pa pero ang tanging pinanghahawakan ko ang Diyos hindi magpapabaya. Kaya hindi mo kailangang gumanti, kaya hindi mo kailangang magtanim ng sama ng loob, kaya hindi mo kailangang manakit dahil ang Diyos hindi magpapabaya, siya ang bahala sa iyo, siya ang gagawa ng paraan para magtanggol sa iyo.
Isa lang ang sinasabi sa atin, huwag kang magpabaya dahil ang Diyos, laging siya ang bahala. Amen.