Holy Mass for the Memorial of Saint Cecilia
Homily of Fr. Daniel Hui, Parochial Vicar
QUIAPO CHURCH, 22 NOVEMBER 2019
Isang magandang Umaga po sa inyong lahat. Pakibati mo ang katabi mo ng Magandang Umaga. At ganon din po ating binabati ang lahat ng mga sumusubaybay ng ating Misa sa kanilang mga Facebook accounts sa iba’t-ibang panig ng mundo, Magandang Umaga sa inyong lahat at kayo ay kasama namin sa pagdiriwang ng Banal na Misa dito sa Quiapo Church, Manila.
Araw ng Poong Hesus Nazareno, tayo’y magbigay-pugay at pasasalamat muna sa ating Mahal Na Senor. Palakpakan natin ang Mahal na Senor. [applause]
Nakita niyo na ba ang pagbabago sa Quiapo Church? Meron na ba? meron na. Eh sa labas ng Quiapo Church, nakita niyo na ba ang pagbabago? Ba’t ayaw sumagot nung iba? Yung labas medyo nagbago, yung loob medyo nagbago, tanungin mo yung katabi mo “nagbago ka na ba?” pinagaganda natin ang Simbahan, kaya naman tayo’y nagsusumikap na linisin ito, loob at labas sapagkat ang Templo ay isang bahay dalanginan. Sabihan mo nga “Bahay dalanginan”.
Kung ito ay Bahay dalanginan, ito ay tahanan ng ating pananampalatay, amen. Kaya dito tayo pumupunta kapag tayo ay namamanata, kapag tayo ay nagdarasal, kapag tayo ay nagdedebosyon, hindi ba? Quiapo Church ang takbuhan kapag mayroon tayong hinihingi, kapag gusto nating mapalapit sa Diyos o kapag gusto lang nating tumahimik sapagkat ang Templo ay isang “Bahay dalanginan”.
Kaya naman ganon na lang kahalaga ang Templo para sa mga Hudyo. Sa mga Hudyo, mataas ang kanilang pagtingin at pagkilala sa Templo, hindi nila ito dinudumihan, pinapalamutiaan ito sapagkat ang Templo para sa Hudyo ay isang Presenya ng Diyos.
Kaya sa ating Ebanghelyo, nagalit si Hesus. Galit si Hesus sa mga tao na sumisira sa Templo. Galit si Hesus sa mga taong ginagawang pugad ng pagnanakaw ang Templo. Kaya kayong mga magnanakaw diyan, kayong mga nangungupit, hindi man kayo nakikita ng kinukupitan niyo, nakikita kayo ng Poong Hesus Nazareno at galit siya sa mga taong ginagawang pugad ng pagnanakaw ang Templo.
Hindi naman sinabing masama ang magtinda, hindi naman sinasabing bawal ang mga magtinda sa Simbahan, ang sinasabi lang kung ginagawa mo itong pugad ng pagnanakaw, kung nagtitinda ka at nangdaraya ka, isang pagnanakaw. Kung nagtitinda ka at niloloko mo yung customer, diyan galit si Hesus. Galit si Hesus sa mga magnanakaw.
At dahil galit si Hesus sa mga magnanakaw, galit si Hesus sa lahat ng uri ng pagnanakaw. Lahat ng uri, lalo na yung mga pagnanakaw ng ating pananampalataya. Galit si Hesus sa mga bagay na nagpapalayo sa iyo sa Templo. Galit si Hesus sa mga bagay na sumisira sa Templo. Hindi po masama ang TV, hindi po masama ang Cellphone pero nagagalit si Hesus kung dahil sa TV at Cellphone, hindi ka nakakasimba at hindi ka nakakapagdasal. Hindi masamang magtrabaho pero galit si Hesus kung ang trabaho mo ang nagiging dahilan para mapalayo ka sa Templo, para masira ang pananampalataya mo sapagkat ang trabaho mo ang nagnanakaw ng oras mo para mapalapit sa Diyos.
Ito yung klase ng galit ni Hesus, yung galit sa mga magnanakaw. Magnanakaw ng pananampalataya at magnanakaw na sumisira sa ating pananampalataya. Galit si hesus sa mga bagay na iyon sapagkat ang tanging nais lang niya ay mapalapit sa atin. Sinisikap nating pagandahin ang ating Simbahan, sinisikap natin pagandahin ang ating Altar dahil para sa atin, dapat ang Simbahan maganda kaya naman huwag mo itong sisirain. Sabihin mo sa katabi mo “damputin mo ang kalat” sabihin mo huwag kang mahiya kasi iiwan lang niya diyan. Mamaya pagkatapos ng Misa, kung gaanong karami ang kalat sa labas, ganon din ang kalat sa loob ng Simbahan, maniwala po kayo sa akin. Pag gabi akala ko parang kalsada rin yung Simbahan, nakakalungkot kasi ganon ang trato natin sa Simbahan, mali. Galit si Hesus kapag sinisira at ninanakawan natin ang Simbahan.
Ngunit kung babalikan natin ang lahat, walang silbi ang batong Simbahan. Maganda nga ang ating Altar, maganda nga ang Simbahan pero yung pinakaunang Simbahan, napanatili ba nating maganda? Anong Simbahan na iyon? Itong ating mga sarili, itong ating mga katawan. Tayo, kayo, ako, tayong lahat ang bumubuo ng Simbahan. Kaya nga tayo’y nakakapagdasal kahit wala sa Simbahan kaya nga tayo’y nakakaramdam ng presensya ng Diyos kahit wala tayo sa Simbahang bato. Kahit wala ka sa Quiapo Church, pwede kang magsimba dahil ang importanteng Templo ay ang ating mga katawan. Kaya naman galit din si Hesus sa lahat ng uri o bagay na sumisira ng ating katawan na tinuturing na Templo ng Panginoon.
Galit si Hesus sa bisyo, galit si Hesus sa mga droga, galit si Hesus sa kasalanan, galit si Hesus sa mga bagay na sumisira sa iyong katawan. Totoo naman, minsan tayo’y nagkakamali. Totoo, tayo’y nagkakasala kaya para mapanatiling malinis ang ating mga katawan, nandiyan ang Kumpisalan, linisin mo, lumapit ka sa Diyos, humingi ng tawad sapagkat ang Templong pinakaimportante sa lahat ay ang Templo ng ating katawan. Minsan lang magalit si Hesus at isa lang ang kanyang kinagagalit, ang lahat ng uri ng sumisira sa ating Templo.
Tanungin mo ang katabi mo “gusto mo bang magalit si Hesus?” huwag gumawa ng kahit na anong bagay na makasisira sa iyong sarili at sa ating templo. Amen.