Holy Mass for the Memorial of the Presentation of the Blessed Virgin Mary
Homily of Fr. Douglas Badong, Parochial Vicar
QUIAPO CHURCH, 21 NOVEMBER 2019
Isang magandang Umaga po sa inyong lahat.
Ang atin pong Ebanghelyo ay nagpapaalala sa atin ng isang tagpo na kung saan ay umiyak si Hesus o iniyakan ni Hesus ang lungsod ng Herusalem. Ang kahulugan ng pangalanag Herusalem ay ‘kapayapaan’ o ‘peace’. Pero dito sabi nga, iniyakan ito ni Hesus dahil yung lungsod na dapat ay nakikitaan ng kapayapaan ay marahil punong-puno ng kaguluhan, punong-puno ng maling gawain, hindi na ito yung inaasahan na dapat, yung pamumuhay ng mga tao, maging ang lungsod ng isang bansa na dapat ay matatag, matibay sa pananampalataya ay marami nang tumalikod sa mg autos ng Diyos. Kaya ganon na lang yung pagtangis, yungpagiyak ng Poong Nazareno sa bansang ito.
Maganda rin na kunin natin ang mensaheng ito na kung saka-sakali po ngayon ay nakatingin sa atin ang Poong Hesus Nazareno, bakit niya tayo iniiyakan, bakit kaya siya umiiyak o iiyak ba siya ngayon na tinitignan tayo kasi pwede sabihin na “kung alam mo lang kung ano talaga ang makapagdudulot ng kapayapaan sa iyo, kung alam mo lang” marahil yung uri ng pamumuhay natin, yung pamamaraan ng pagsunod natin sa Poong Nazareno ay hindi talaga tumutugma, kaya ngayon ay napapaiyak na lang ang Poong Nazareno.
Kadalasan nga ay lahat tayo o karamihan, paninisi ang ibinabato natin sa Diyos, bakit ganito ang buhay natin, bakit ganito ang nangyayari sa buhay natin. Pwedeng sabihin kung alam mo lang kung ano talaga ang makapagdudulot sa iyo. Yung mga nangyayari sa buhay natin, iyan ay mga resulta ng mga desisyon natin ng pagtalikod sa Diyos o ng hindi pagsunod sa Diyos. Yung inaakala natin na makakapagpapaligaya sa atin, para bang sabi ulit “kung alam mo lang talaga kung ano lang ang makapagpapasaya sa iyo” alam ng Diyos kung ano iyon pero tayo alam din natin pero hindi natin ito ginagawa.
Nawa po ihingi natin sa Diyos, ipagdasal natin sa Misang ito na talagang mas maging matatag tayo na umiwas sa anumang mga tukso. Mas maging matatag tayo na hindi maicompromise, hindi maipagpalit yung pananampalataya natin sa anumang materyal sa mundong ito. Amen.