Rite of Pabihis to the Nuestro Padre Hesus Nazareno
Homily of Fr. Daniel Hui, Parochial Vicar
QUIAPO CHURCH, 19 NOVEMBER 2019
Isang magandang Tanghali po sa inyong lahat.
Ngayong araw na ito ating masasaksihan ang “pagbibihis” o “pagdadamit” sa ating Poong Hesus Nazareno. Tuwing may darating na Kapistahan si Hesus, ating pinapalitan o binibihisan ng bagong damit ang ating Mahal na Senor. Ngayong darating na Linggo, Sunday, ay ating ipagdiriwang ang Kapistahaan ni Kristo bilang Hari ng Sanlibutan o yung tinatawag nating Feast of Christ the King. Si Hesus, pinagdiriwang natin ang kanyang Kapistahan sapagkat siya ay Hari.
Tingnan niyo nga ang Mahal na Poong Hesus Nazareno, mukha ba siyang Hari? Ano ang tagla ng isang Hari? Korona? Tingnan niyo nga ang Korona ni Hesus, Korona ba ng isang Hari? Anong taglay ng isang hari, kalakasan? Tignan niyo nga ang Mahal na Poong Hesus Nazareno, mukha bang malakas? Kaya naman para sa iba, paano naging hari si Hesus, paano naging isang Hari, isang talunan, isang mahina.
May tatlong bagay o tatlong dahilan kung bakit Hari si Hesus para sa ating mga Katoliko.
Una, yung tinik sa kanyang ulo, Koronang maituturing. Yung Krus na kanyang pasan. Pag hari parang scepter yung hawak diba, pero itong Krus at itong Koronang tinik na ito ang nagbigay ng karangalan kay Hesus para maging Hari dahil una ito ang simbolo ng pagliligtas. Si Hesus ay Hari sapagkat napagtagumpayan niya na iligtas ang tao, iligtas ang sanlibutan sa kasalanan. Hindi ba kapag mayroon kang nasasagip na isang tao, tagumpay iyon. Kapag mayroon kang natutulungang tao, tagumpay iyon. Si Hesus, sanlibutan ang kanyang iniligtas at iniligtas sa kasalanan sa pamamagitan ng pagbigay ng kanyang sarili sa simbolo ng Koronang Tinik at ng Krus.
Pangalawa, si Hesus napagtagumpayan ang kamatayan. Matapos ibigay ni Hesus ang kanyang buhay, matapos ni Hesus mamatay para mailigtas ang sanlibutan, hindi nagwakas ang lahat doon sapagkat kahit kamatayan kanyang pinagtagumpayan dahil siya’y muling nabuhay. Kahit kamatayan natalo niya, kahit kamatayan pinagtagumpayan kaya siya ay hari para sa atin.
At panghuli si Hesus ay Hari sapagkat una, nailigtas tayo mula sa kasalanan, pangalawa napagtagumpayan niya ang kamatayan at pangatlo, siya’y umakyat sa langit at naghari pangmagpakailanman. Para sa ating lahat ang tugatog ng ating tagumpay sa buhay ay yung makarating sa Langit. Iyan ang ating “Finish line”, iyan ang ating tagumpay. Kung para sa isang estudyante, ang tagumpay para sa kanya ay makagraduate. Kung para sa mga magulang, ang tagumpay para sa kanya ay maging mabuti o lumaking mabuti ang kanyang mga anak. Tayong lahat, bilang Kristiyano at mananampalataya ni Kristo, ang pinakatugatog ng ating tagumpay ay iyong makasama natin ang Diyos sa langit.
Tatlong dahilan kung bakit Hari si Kristo. Nawa’y huwag masayang ang lahat ng kanyang ibinigay, inialay. Patuloy nating paghariin siya sa ating buhay. Sa tuwing mayroon tayong nakikitang taong nagkakasala, iligtas mo, sabihan mo. Sa tuwing nagkakasala tayo, humingi tayo ng tawad sa Diyos, iligtas natin ang ating sarili sa pag-amin, sa pangungumpisal ng ating kasalanan. Ito ang dahilan kung bakit Hari si Kristo dahil iniligtas tayo sa kasalanan, siya’y nabuhay pangmagpakailanman at umakyat sa langit. Amen.