Holy Mass for the Memorial of St. Josaphat
Homily of Fr. Daniel Hui, Parochial Vicar
QUIAPO CHURCH, 12 NOVEMBER 2019
Magandang Umaga po sa inyong lahat.
Kapag ikaw ay nagtatrabaho, nararapat lang ay ikaw ay may sweldo, tama? Kaya nga tayo nagtatrabaho, kaya nga tayo nagpapakahirap, kaya tayo nagpupumilit pumasok ng maaga, nagsusumikap para may kitain. Kapag ikaw naman ay nagnenegosyo at ikaw ay nagtitinda, nararapat lang na ikaw ay tumubo, tama? Tama, kasi iyan naman talaga ang negosyo,ang magkaroon ng kita, ang magkaroon at maibalik ang puhunan. May sobrang kaunti sa iyong puhunan. Iyon ay pagdating sa trabaho, iyon ay pagdating sa kabuhayan. Pag kabuhayan ang pinaguusapan, kailangan may kapalit, kailangan mayroon kang makukuha ngunit iba ito sa tinuturo ng ating Poong Hesus Nazareno dahil ang pagsisilbi, walang kapalit.
Ito lang naman ang nais bigyang diin ng ating Mahal na Senor na ang nagsisilbi, hindi dapat naghahanap ng kapalit.
Mayroon sa atin, sa panahon ngayon, tinatawag nating mga “Servant Leaders” sino ba iyong mga iyon, e di yung gma hinalal natin. “Nais kong maglingkod sa bayan” kaya anong gagawin? Tatakbo. Pag nanalo, naglinkod ba? sa totoo lang hindi dahil may sweldo iyon, di ba? ang tunay na paglilingkod, walang nakukuhang kapalit. Ito ang nais bigyang diin ni Hesus, ang maging lingkod.
Simpleng bagay ng paglilingkod, pwedeng sa Misa. Kunyari, araw-araw ka naman nagsisimba, baka gusto mo na maging isa sa mga Lektor, isa sa mga Kolektora o kaya naman kung wala kang panahon, kung ikaw ay nagsisimba, kung may nakita kang kalat diyan sa sahig, baka pwede mo namang pulutin. Bahay ng Diyos, pagsilbihan ang Diyos. Baka pwede namang magmalasakit, may nakitang dumi baka pwedeng alisin. Simpleng pagsisilbi o baka naman yoong Homily o yung sharing ng Pari baka pwede mong ibahagi sa iba. Iyong aral, iyong salita ng Diyos baka pwede mong ibahagi sa iba.
Simpleng pagsisilbi para sa Diyos na hindi naghahanap dapat ng kapalit. Kung ikaw ay isang ina, yung iyong pagtatrabaho, yung iyong paghuhugas ng pinggan, paglalaba at pag-aalaga, hindi mo naman hinihing ng bayad sa iyong asawa dahil iyan ang iyong tungkulin, iyan ang iyong gampanin. Isa lang ang nais sabihin ni Hesus sa atin, maging lingkod na hindi naghahanap ng kapalit.
Si Hesus ay isang halimbawa na naglingkod na hindi naghanap ng kahit anong kapalit. Magandang tignan ang ating mga sarili “paano ako makapaglilingkod sa Panginoon?” maraming bagay, maraming pwede tayong gawin para sa Diyos at huwag tayong mag-alala sa katunayan, hindi mo man hanapin ang kapalit, Diyos ang kusang magbabalik nito sa atin. Wala naman talaga na walang kapalit dahil Diyos, kahit ang Diyos siya mismo may kusang-loob, kahit ang Diyos siya mismo nakikita kung sino ang karapat-dapat na gantimpalaan. Sa huli ang nais na makita ng Diyos, tayo ba ay nagsilibi at hindi kailanman naghanap ng kapalit. Amen.