Holy Mass for the 31st Friday in Ordinary Time
Homily of Fr. Douglas Badong, Parochial Vicar
QUIAPO CHURCH, 8 NOVEMBER 2019
Isang magandang umaga po sa inyong lahat. Palakpakan po natin ang Poong Hesus Nazareno. (applause)
Ngayon po ang ikalawang Biyernes ng para sa buwang ito ng Nobyembre. Sino po may mga pagkakautang dito? Sino may mga utang? Magbadad kayo ha. Huwag niyong iasa sa panalangin “Lord, sana po mawala na yung utang. Sana po hindi na ako pagbayarin” bayaran ninyo ha, malinaw ba iyon?
Sabihin niyo nga po “katiwala” okay, ulit “katiwala”. Sa kwento natin sa Ebanghelyo, mayroong pong isang katiwala pinamamahala o binigyan ng posisyon ang isang katiwala nung totoong nagmamayari ng kanyang ari-arian at dito na nalaman niya, may pandaraya, may panlolokong ginagawa itong kanyang katiwala. So pagsinabing katiwala, pinagkatiwalaan pero hindi ginampanan ng tama yung ipinagkatiwala sa kanya. Pero bandang huli, sabi ni Kristo, pinuri pa ng Panginoon, pinuri pa ng may-ari yung karunungan nitong mandarayang katiwalang ito.
Huwag tayong maiwan doon sa ginawa ng katiwala na nandaya, na niloko pa ang kanyang panginoon kundi ang tignan natin ay kung ano ang mensahe na mais iparating ni Kristo dito. Kasi ang sabi pinuri ng Panginoon ang katiwala o ang mandarayang katiwalang ito dahil sa kanyang diskarte, dahil -ito yung mas mahalaga, yung dulo, sabi mas madiskarte pa ang mga makaslanan, mas madiskarte pa ang makasanlibutan kaysa doon sa tinatawag na maka-Diyos kasi yung katiwala nabuking na siya, alam na niya na nabuking siya pero hindi siya pinanghinaan ng loob kundi nag-advance thinking, di ba, advance mag-isip. Paano na ito, pagtinanggal ako, paano na eh ang alam ko lang maging supervisor, maging manager, hindi ko na kakayanin na bumalik sa umpisa, wala akong matutuluyan kaya ano ba ang dapat kong gawin? So para magkaroon ng magtanaw ng utang na loob sa kanya yung mga may utang sa kanyang Panginoon, ito ang kanyang inisip “babawasan ko para ang lalabas, mabait pa tuloy ako.” Naintindihan ba? hindi naman.
Babalik natin, sabi, ito yung tignan natin, bakit ang makasanlibutan mas madiskarte kaysa sa mga debotong Poong Nazareno. Bakit mas matibay, mas matatag yung makasanlibutan kaysa sa mga madalas magsimba. Yung madalas magsimba puro drama-rama, puro emote sa Nazareno “Lord, bakit ang hirap ng buhay namin? Lord, hirap na hirap na ako Lord” yung mga makasanlibutan “ano ba ang dapat kong gawin? paano ba ito?” iyon. Di ba? doon tayo tinatawag ngayon ng Poong Hesus Nazareno, tingnan mo naman. Wala kasing mangyayari doon sa pagmumukmok. Walang mangyayari doon sa puro ka panininisi kasi meron ka pang pwedeng gawin, may magagawa ka pa. Kung yung mga makasanlibutan nga nakakagagawa ng ibang paraan, bakit ikaw humihinto ka na diyan? Tapos pupunta ka dito, hahawak ka na naman sa Nazareno “Panginoon, hirap na hirap na ako. Lord, hirap na hirap na ako sa karamdaman kong ito, pagalingin mo ako” hindi ba pwedeng samantalahin mo na yung konting nalalabi sa buhay mo, maging masaya ka na. Kung may sakit na ako, anytime pwede pala akong mamatay na, so ano ang dapat kong gawin? Magmumukmok ba ako o magpapasaya na ako ng mga taong kasama ko sa buhay.
Doon tayo madalas nagkukulang sa aspetong iyan kasi lagi tayong sabi bagama’t lagi taong magdadasal pero pagkaminsan yung dasal natin puro reklamo ang laman. Magkaroon ka ng foresight, ano ang pupwedeng mangyari para malaman mo din ano ang mga dapat gawin. Wala, tunganga, ayan walang alam gawin kundi tumunganga. Reklamo ng reklamo tayo na mahirapang buhay pero wala ka namang ginagawa para mapadali ang buhay. Minsan nagtataka nga din ako, tayo naman, kayo may mga trabaho, pumalakpak nga yung may mga trabaho dito (applause) andaming walang trabaho. Yung may mga pensyon, may pensyon kayo ano. Pero bakit ang dami nating reklamo? Minsan magtataka ka din, yung mga vendor dito masasaya iyan. Yung mga nagtitinda sa labas, kung kukumpara natin yung buhay natin, mas maginhawa ka kasi may sarili kang bahay o hindi man sarili, mas maayos ang tinutulugan mo, minsan yung mga vendor natin pag-alis natin dito matutulog iyan pero magaan ang buhay nila, magaan ang pakiramdam nila, babangon ulit sila kinabukasan, magtitinda ulit sila diyan. Magrereklamo lang pagpina-alis na ng City Hall “alis kayo” iyun lang pero the rest maririnig mo, magtatawanan, magkwekwentuhan, mas meron silang bonding moment, tayo “Lord, kawawa naman ako. Lord, aping-api ako. lord, walang nagmamahal sa akin. Lord, walang sumasama sa akin. Iniwan na ako ng lahat” di sumama ka sa mga vendor, wala ka palang kasama kaya lang gusto mo iyan eh, gusto mo iyan. Kasi meron kang pwedeng gawin, nalulungkot ka edi pumunta ka, bumisita ka sa mga kaibigan mo. Hindi puro pagmumukmok.
Sabi ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Roma, sabi niya “naniniwala ako na kayo ay may sapat na katalinuhan, may kaalaman. Naniniwala akong mayroon kayong angking talino.” Bakit ayaw niyong gumising? Minsan halimbawa, hindi ka pumasa sa Board Exam. Marami dito Seaman, hindi ka pumasa sa Seaman o pagiging seaman, wala ka ang ginawa, iyun lang ba ang alam mong gawin? Tinaggal ka diyan sa trabaho, iyun ba ang pwede mong gawin? Mayroon ka pang pwedeng gawin, may magagawa ka pa hindi yung pagmumukmok at hindi yung paninisi.
Nanggigigil ako sa inyo, kasi minsan ang hirap kausap, ang hirap payuhan kasi nakasara na rin yung isip na hindi “ito lang talaga ako eh” kasi ito ang gusto ko, ito lang, eh hindi pinagkaloob sa inyo, wala, diyan kana. Tapos sisihin mo magulang mo, sisishin mo yung ibang tao bakit ganyan. Buti pa yung iba nakakadiskarte, buti pa nga yung mga vendor pagpina-alis mo, makakadiskarte ulit, kung saan na naman sila pupwesto.
Ano na, ano na gagawin naitn dito, nabobored ka ba? sige magpalit tayo ng Nazareno, siya naman diyan, kayo naman doon. Isipin niyo nga rin, ano bang nagyayari sa atin tapos lagi naman tayong nasa Simbahan pero tayo pa mismo yung mahina ang loob, kulang sa diskarte, pero lagi ka namang nasa simbahan. Kung nakikinig ka sa Poong Nazareno, lagi kang magkakaroon ng pampalakas ng loob kasi words of encouragement ang ibinibigay sa atin sa tuwing tayo’y nagsisimba. Pero bakit ganon nagmumukmok ka pa rin. Dapat nandito tayo kasi masaya tayo. Iniwan ka, bakit ka iniwan? Baka kulang ka sa diskarte. Pwede naman eh dumiskarte ka lang ng tama. Sabi mo kulang sa budget, pwede kang magtinda ng samalamig, Nabobored ka pala di may nagawa ka pa. Hindi eh, tumambay ka sa bingohan, sa tong-itan tapos sasabihin mo “wala akong pera” pero bakit ganon nagbibinggo, libangan na nga lang ito, aalisin mo pa ba sa akin?
Marami pa tayong pwedeng magawa. May magagawa pa tayo para mas maging maayos ang pamumuhay natin. Yun nga lang, pinagkatiwalaan ka kasi pero sinayang mo, at least makita mo rin, pinagkatiwalaan ka pero hindi mo ginawa ng tama ang trabaho mo kaya ngayon, tinaggal ka. Kung sakaling tinaggal ka ngayon, ayusin mo na, dumiskarte ka na ng mas tama. Kasi sabi nga, naniniwala ang Diyos, naniniwala ang Poong Nazareno na marami tayong gawin, pwedeng gawin, kasi tayo ay talagang pinagpala ng Poong Hesus Nazareno. Binibiyayaan niya tayo, hindi madamot ang Poong Nazareno. Kailangan lang natin talagang kumilos ng naayon sa kagustuhan din ng Diyos.
Sabihin niyo nga sa katabi niyo “may magagawa ka pang tama.” Siguro mas maganda rin sabihin iyo rin sa katabi niyo “huwag kang tatamad-tamad” siguro mas maganda iyon, huwag kang tatamad-tamad, pwede kang maglaba, pwede kang tumanggap ng labada, kalabanin mo yung mga washing machine dito sa inyo, mas magaling ka magkusot kaysa sa washing machine. Hindi yung puro reklamo, pwede kang magtinda, pwede kang -lahat pwede mong magawa para lamang makatulong kung nangangailangan ka ng pera, gawin mo. Huwag tatamad-tamad at hwag papatay-patay. Magdasal ka pagkatapos magdasal, kumilos ka. Walang babagsak dito “Lord, bigyan mo naman ako ng kabuhayan showcase.” Hindi iyan. Magdasal ka pagkatapos kumilos ka. Sabi nga ntin “nasa Diyos ang Awa, nasa Tao ang gawa.” Amen.