Holy Mass for the 30th Tuesday in Ordinary Time
Homily of Fr. Douglas Badong, Parochial Vicar
QUIAPO CHURCH, 29 OCTOBER 2019
Isang magandang umaga po sa inyong lahat.
Sa Umagang ito, tayo ay pinaaalahanan ng atin pong Ebanghelyo tungkol sa realidad ng Langit, totoong may langit. Kung paanong tayo po, pagdating ng wakas -ngayon nga ay nalalapit na ating pong gunitain ang mga mahal anting yumao at tayo’y patuloy na nagdarasal na sila po ay sumalangit na.
Dalawa lang po ang pupuntahan natin, kung tayo’y naging mabuti, sa Langit. Kung hindi tayo nakasunod o sumunod sa pinag-uutos ng Diyos, doon tayo sa Impiyerno. Dalawa lang pero ang hangad ni Kristo ay lahat tayo ay makapasok ng langit.
Kaya nga kung titignan natin dito sa ating Ebanghelyo, sa pahayag mismo ni Kristo, hindi naman mahirap makapasok sa langit kung tutuusin. Hindi rin ito nangangailangan ng malakihang -sabihin na nating- gawain o pag-aalay ng buhay, isang gantimpala para sa mga Santo, mga Martir na sila ay makapasok langit. Pero dito nga ay tignan nating muli at suriin mabuti na yung kahalagahan ng maliit na bagay, yung kahalagahan ng mga gawain na akala natin ay walang silbi o walang kuwenta pero ito yung nagdadala sa atin tungo sa langit.
Anumang tagumpay na mayroon tayo o gusto natin, nagsisimula ito sa isang maliliit na hakbang. Anuman ang gusto natin sa buhay, nagsisimula ito sa pangarap na sinisumulan natin paunti-unti. Kaya nga sinabi sa sulat ni San Pablo “sa pagtitiyaga ating makakamtan ang ating pangarap.” Kaya tuloy lang, isang pangpalakas ng loob na mayroon tayong panghahawakan, mayroon tayong inaasam na tayo po ay makakapasok ng langit.
Maaring ito, itong pagsisimba natin, itong pagtitiyaga natin na gumising ng maaga, isang paraan na ito na magdudulot ng paghahari ng Diyos sa atin, unti-unti. Lalo pa kung higit na nangangailangan ito na makaranas ay iyong pamilya sa dahan-dahan, sa paunti-unting pagdarasal, sa paunti-unting muling pagsasama ng pamilya na magsisimba, doon mismo mararanasan ang paghahari ng Diyos.
Huwag nating agad-agarin, huwag natin madaliin dahil hindi minamadali ang lahat ng bagay. Mahirap din yung hinog sa pilit. Sabi ni Kristo sa maliliit na bagay, yung gma hindi pinapansin ng mundo, doon natin pagtuonan ng pansin at doon mo mararanasan ang paghahari ng Diyos. Amen.