Holy Mass for the 29th Satutday in Ordinary Time
Homily of Fr. Daniel Hui, Parochial Vicar
QUIAPO CHURCH, 26 OCTOBER 2019
Isang Magandang umaga po sa inyong lahat.
Pakisabi mo sa katabi mo “Magandang Umaga” “gising”. Magandang gisingin tayo sa Umaga ng Salita ng Diyos at ang Ebanghelyong ating narinig ay tungkol sa Talinhaga ng Puno ng Igos. Itong talinhagang ito ang nagpapakilala, ang nagtuturo, ang nagsasabi sa atin kung ano ang klase ng Diyos natin. Si Hesus ipinakilala niya ang Diyos sa pamamagitan ng puno ng igos, ng talinhaga ng puno ng igos.
Yung kuwento ng puno ng Igos sinabi nakita ng may-ari na walang bunga ang puno ngIgos, kaya nga sinabi niya sa tagapag-alaga “putulin na yang punong iyan sapagkat nakakasikip lang iyan dito, wala namang bunga, tatlong taon na akong balik ng balik wala namang bunga iyang punong iyan. Kaya mabuti pa putulin mo na, wala namang silbi.”
Hindi ba po ang puno, kailangan namumunga kasi kapag hindi namumunga, walang silbi dahil yun ang silbi ng isang puno, makapagbigay ng bunga, kung hindi isa lang itong pasikip, maari pang ibigay na lang ang lupang iyon sa ibang halaman na makapagbibigay ng bunga ngunit sinabi ng tagapag-alaga “huwag po muna, huhukayan ko muna ng paligid, lalagyan ko muina ng pataba. Kapag hindi pa rin namunga sa taong ito, saka natin putulin.” Huwag muna, bigyan muna natin ng pagkakataon, huwag muna, pasensya muna, sandali lang muna. Iyan ang pag-ibig, ganyan ang Diyos sa atin.
Parang yoong tagapagalaga, nagbibigay ng pagkakataon, nagbibigay ng pasensya sa atin na hindi mga namumunga ngunit magandang tignan, totoo, ang Diyos natin mapagpasensya; totoo, ang Diyos natin magbibigay ng maraming pagkakataon sa atin, lalo na kung tayo ay nangungumpisal, lalo na kapag inaamin natin ang ating mga kasalanan. Totoo ang lahat ng iyon, magpapatawad, magpapasensya at magbibibigay pa ng isa pang pagkakataon ang ating Diyos ngunit sa huli hahanapan pa rin tayo ng bunga.
Titignan pa rin, tayo ba ay may silbi, tayo ba’y may nagawang mabuti, tayo ba’y namunga sa buhay natin. Hindi lang pagpaaptawad, hindi lang pag-ibig, hindi lang pasensya at maraming pagkakataon ang kayang ibigay ng Diyos sa atin. Dahil sa huli, ang Diyos ay nagbibigay din ng hustisya, titignan pa rin kung tayo ba ay namunga.
Kaya nga, paulit-ulit na sinabi ni Hesus “kapag hindi ninyo pinagsisihan at talikdan ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat.”
Maging itong paalala sa atin ng pag-ibig ng Diyos, may kapatawaran, may pasensya at may isa pang pagkakataon. Samantalahin natin ito, lapitan natin ang Diyos sa mga panahong hindi tayo namunga, sa mga panahong hindi tayo nagkamali tayo, pagsisihan natin dahil ang makukuha natin, pasensya pag-ibig at isa pang pagkakataon mula sa Diyos. Amen.