Thanksgiving Mass of Fr. Rommel Darondon, MMSJ
Homily Fr. Douglas Badong, Parochial Vicar
QUIAPO CHURCH, 16 OCTOBER 2019
Isang magandang tanghali po sa inyong lahat. Palakpakan natin ang Poong Hesus Nazareno [applause].
Ngayon po ay isang pasasalamat para sa buong Simbahan lalo na po dito sa Quiapo na meron po ulit na bagong Pari si Rev. Fr. Rommel, pwede po bang palakpakan po natin [applause], mula po sa Merciful Fathers, -siya po ay 2 weeks, 2 weeks old na Pari, naordinahan siya noong October 3 so mabangong-mabango pa, mamaya po ay pwedde niyo siyang lapitan, bababa po siya para ibigay yung biyaya na natanggap niya noong pahiran ang kanyang kamay ng Banal na Langis.
Pero bago po iyan, atin po munang pagnilayan ang ating mga pagbasa ngayon, magandang mas maintindihan natin ito. Sabi po sa unang pagbasa sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma, isang bagay po na dapat po nating intindihin, bawat isa sa atin mayroong mga kahinaan, bawat isa sa atin nakakagawa pa rin ng kasalanan kahit na araw-araw tayong nagsisimba pero sabi sa sulat ay “sino ka mang humahatol sa iba, wala kang maidadahilan” kasi nga nasa Diyos ang paghatol. Kasi minsan problema natin kung sino po ang tinatawag na ‘taong Simbahan’, yun pa yung mahilig humusga, tayo pa yung mahilig mamuna sa ginagawa ng iba kasi nga feeling natin mabait na tayo, feeling natin ay di na tayo nagkakamali pero tayo pa nga yung higit na nagkakasala, na ito yung paalala ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Roma.
Kaya ngayon sa Ebanghelyo, naririnig natin mismo ang Diyos ang siyang nagbibitaw ng hatol sa mga Pariseo at dito sa mga dalubhasa ng kautusan. Hinahatulan na para bang dito pa lang sa lupa, sinasabihan na ni Kristo na mali ang kanilang ginagawa, pero sabi ko ano wala tayong karapatang humatol bagama’t may panawagan sa atin na papaalahanan natin ang bawat isa kasi misyon at obligasyon natin iyan sa ating kapwa na paalalahanan ang bawat isa. Pero dito sa konteksto natin, ito na mismo nagsasalita sa kanilang harapan ang Diyos na mali ang kanilang ginagawa. Pwede rin sana na kasi ang mga kaharap niya dito, Pariseo at nagsimula pa nung Lunes, medyo mainitan na, medyo mabigat na yung mga binibitawang salita ni Kristo, deretsahan na sa mga Pariseo at dito sa araw na ito sabi “kawawa kayo mga Pariseo dahil sa mga ginagawa ninyo, kinakaligtaan ninyo ang tungkol sa pag-ibig at katarungan ng Diyos.” Kawawa kayo na mga gusto niyo lang pagpalakpakan, gusto niyo lang magagandang upuan, mga luklukan. Ano bang sinasabi ba ni Kristo ito dahil galit na galit na siya o sinasabi niya ito dahil mahal niya kahit ang mga Pariseo sa nagkakamali, kasi dito may pagkakataon pa kung makikinig sila kay Kristo, maaring mabago ang kahihitnatnan nila pagdating ng araw.
Pero sa isang banda, pwede ring -kasi ang mga Pariseo ang mga nagiging bashers ni Kristo, ang mga Pariseo ang talagang naghahanap ng butas kung paanong masisiraan si Kristo, kung nasaan si Kristo, nandon din yun mga Pariseo hindi para sumunod kundi para hanapan ng ikakasira si Kristo. Dito para bang, pwede sana niyang iplease itong mga Pariseo para makuha niya yung loob para hindi na siya siraan, para maging kakampi niya pero hindi ginawa ni Kristo kasi nga kahit kailan, hindi macocompromise at hindi dapat ikinocompromise kung ano ang tama, kung ano ang mabuti kapalit ng para lamang maging okay ka sa mata ng tao kasi ang layunin natin, di baleng nang hindi tayo okay sa tao basta’t sa paningin ng Diyos okay tayo.
Kaya dito kung ano ang dapat na marinig ng mga Pariseo, yun ang sinabi ni Kristo at hindi yung kung anong maganda sa tainga ng mga Pariseo, ayan. Sabihin niyo nga po sa katabi ninyo “makinig ka nang mabuti” may iba natutulog na eh, di ba ano kasi pag pinangangaralan wala eh, ang hilig nating magbingi-bingihan o kaya magtulog-tulogan.
Kaya ngayon po ibaling natin ngayon sa ating pagdiriwang na itong Misang pasasalamat na tinaggap ni Rev. Fr. Rommel, ang Ordinasyon, ang biyaya ng pagkapari. Fr. Rommel kukunin ko po yung mensahe ng Poong Nazareno sa ating Ebanghelyo na dapat mong paghandaan, dapat mong ingatan pero ito rin ang tinaggap mo nang ikaw ay ordinahan bilang Pari. Bilang isang Pari, ako 7 years na, yung mga nandoon mga matatandang Pari na [laughs] subok na sa karanasan yung mga nandon, si Fr. Rommel nagsisimula pa lang. Pero ito yung mga mararanasan mo at ito yung mga tukso kung hindi ka magiging attentive, talagang ikakasira natin bilang isang Pari.
Una, sabi po dito sa mga Pariseo “ibinibigay ninyo yung ikapu ng yerbabuena” Father, ingat po kasi isang tukso sa mga Pari ang kayamanan, marami nang pari ang nasira dahil ang kanilang pagkapari ay nakalimot o napalita ng o ang paglilingkod nila bilang Pari ay napalita ng laging meron kapalit na Pera.huwag kakaligtaan kasi ang Pagkapari natin ay dahil sa habag at pag-ibig ng Diyos, hindi kasama dito bagama’t ang Diyos ang bahala sa atin, ang Diyos ang bahalang magpadala ng tao na magproprovide ng ating pangangailangan pero hindi tayo inordinahan para magpayaman, kundi para magbigay, biruin mo ano tayo pa ang magbibigay at ang ibibigay natin yun din namang tinaggap natin sa Diyos, malinaw po ba?
Pangalawa, ito po sinasabi “kawawa kayo kasi ang tanging gusto niyo mga luklukan sa Sinagoga.” Ang Pari kahit papaano po kahit saan magpunta nakikilala at makikilala ka lalo pa pag nagmisa ka dito sa Quiapo, sisikat ka kasi naka Facebook live tayo buong mundo nakikita tayo, minsan kahit pumunta ka sa ibang lugar, mamasyal ka sa mall may babati sa iyo “uy Father, di ba taga-Quiapo ka?” yung tukso na dapat nating iwasan yung kasikatan. Una kayaman, pangalawa kasikatan. Hindi tayo naging Pari para magpasikat, hindi tayo naging Pari para sumikat lalo’t higit hindi tayo naging Pari para tayo ang makilala kundi ang makilala ay yung nagkaloob ng biyaya ng pagkapari natin. Kalakip nito, kalakip ng kasikatan ang malaking responsibilidad na naka-atang sa ating mga balikat.
Pangatlo, ang sabi dito yung mga dalubhasa ng kautusan ipinapapasan ninyo. Ang pangatlo, biyaya pero pupuwedeng maging tukso pag hindi natin binantayan ay ang kapangyarihan. Kayamanan, kasikatan, kapangyarihan. Tayo nang maordinahan, Fr. Rommel, may ipinagkaloob sa yong kapangyarihan dulot ng Banal na Espiritu pero ang kapangyarihan na iyan ay ibinigay para magpatulong sa mga tao at nawa hindi tayo ang magiong pabigat sa mga tao na makalapit sila sa Diyos. Dito sa Quiapo, lagi nating pinagigiitan ang Misyon ng bawat Deboto, mailapit ang Nazareno sa tao at ang mga tao’y makalapit sa Nazareno at bilang Pari, mabigat na misyon at responsibilidad iyan kasi pupwede nating abusuhin ang kapangyarihang ibinigay sa atin, pero kung aabusuhin mananagot tayo sa Diyos kasi ang kapangyarihang ito ay hindi naman sa atin, ang kapangyarihang ito ay galing mismo sa kabutihan at pag-ibig ng Diyos. Amen.