Holy Mass for the 28th Monday in Ordinary Time
Homily of Fr. Daniel Hui, Parochial Vicar
QUIAPO CHURCH, 14 OCTOBER 2019
Isang magandang umaga po sa inyong lahat.
Nangangaral muli ang aing Poong Hesus Nazareno at ang kanyang pinapangaralan ay yung mga taong sumusunod sa kanya. May mga tao ang dumaragsa, lumalapit sa kanya ngunit ang mga taong ito naghahanap ng palatandaan, naghahanap ng milagro, naghahanap ng kababalaghan ngunit malinaw na sinabi ni Hesus “wala nang palatandaan ang ibibigay.” Yung mga taong iyon ang hinahanap nila, Sign, palatandaan, milagro bago sila maniwala kay Hesus. Ang hinahanap talaga nila milagro, hindi naman Diyos. Ang hinahanap nila senyales at hindi naman nila hinahanap talaga si Hesus.
Magandang makita ang mga tagpong ito sa ating mga buhay. Tayo ba ay nagsisimba lang pag may kailangan? Hinahanap lang ba natin ang Diyos kapag tayo’y nahihirapan? Tumatawag lang ba tayo sa Diyos kapag tayo ay may kahilingan? kapag naghahanap tayo ng senyales, ng tanda, ng milagro pero hindi naman talaga ang Diyos ang pinupuntahan natin.
Kung minsan di ba ganito, nagsisimba ka lang kapag malapit na ang exam, nagsisimba ka lang kapag may sakit ang isa sa mga pamilya, nagdadasal ka lang kapag nagigipit o kapg may hinihiling pero ang totoo, nakakalimutan ang Diyos pagkatapos ng problema, nawawala na kapag nakapasa na sa exam, hindi na nakikita ulit kapag nakuha ang gusto. Yung mga tao noon ang hinahanap lang milagro, ang hinihiling lang senyales pero hindi naman naniniwala kay Hesus.
Mabuti pa nga raw yung mga taga-Niniveh sapagkat si Jonas, isang Propeta na nangaral sa Niniveh at doon, yung mga tao nakinig kay Jonas at nagbago, samantalang yung gma nakakita kay Hesus ang hinanap lang senyales, hindi naman talaga si Hesus.
Magandang tignan ang ating mga sarili; bakit ako pumupunta sa Quiapo, ako ba ay naniniwala sa Diyos? Ako ba ay deboto ng Poong Hesus Nazareno o ang hinahanap ko lang, milagro at matupad ang kahilingan ko. Amen.