First Day Novena to Our Lady of La Naval – 4 October 2019

bandicam 2019-10-04 22-46-49-834.jpg

Holy Mass on the First Day of the Novena
in Honour of Our Lady of La Naval

Homily by Rev. Fr. Randy Sampinto, AM
Alagad ni Maria House of Formation, Bayugo, Antipolo, Rizal
Santo Domingo Church, Quezon City
4 October 2019

Isang magandang gabi po sa inyong lahat. Maganda po ba ang gabi ninyo? Pwede po bang ngumiti at pakibati yung katabi ng “Magandang gabi” para mas gumanda pa po ang gabi, pakisabi po sa bumati ninyo “salamat kapatid, dahil mas maganda ka sa gabi.” Sa atin pong Prior at Rector ng National Shrine na si Fr. Roger, magandang gabi po sa inyo.

Tayo po ngayon ay natitipon para sa simula ng ating pagnonovena para sa ating Mahal na Ina, natitipon tayo upang siya’y parangalan at pasalamatan sa maraming biyayang ating nakamit mula sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang pag-aagapay at panalangin. Kaya’t natitipon po tayo upang magpasalamat at patuloy na humingi ng kanyang pagagapay at panalangin sa ating buhay, subalit kasabay po nito ating inaalala ang pinagmulan ng ating Debosyon na ito, ang pinagmulan ng Tradisyon na ito, isang makasaysayang pangyayari na hindi natin malilimutan kung saan ipinamalas ng Diyos ang kanyang katapatan at pag-ibig sa isang tagumpay na natamo dahil sa panalangin ng ating Mahal na Inang si Maria.

Kaya po napakaganda dahil sa taong ito, ang tema ng Kapistahan ay Inang Maria: Kaagapay. Alam po natin at matagal at paulit-ulit na nating naririnig na ang buhay natin ay isang paglalakbay. Ito po ay isang paglalakbay, ibig sabihin po meron tayong pinaggalingan at meron tayong patutunguhan at sa mata ng ating pannampalataya, alam natin na ang paglalakbay natin sa mundong ito ay panandalian lamang, hindi dito magtatapos ang ating paglalakbay dahil ang ating final destination ay ang pagbalik sa piling ng Diyos, kung saan ating matatagpuan at mararanasan ang kaganapan ng buhay.

Sabi nga po ni Cardinal Tagle sa kanyang isang homily na aking napakinggan, tayo daw pong mga Pilipino madalas mapagkamalang mga pakialamero at pakialamera, nanainiwala po kayo doon? Sabi ng iba “medyo, Father” bakit? Kasi daw, kapag meron tayong nakilala sa daan, nakita sa daan, kilala natin, meron kaagad tayong dalawang tanong, ano po iyon; “Saan ka galing? at saan ka pupunta?” siguro po sa ibang kultura, pag narininig iyon baka sagutin po tayo “it’s none o your business” pero sabi po ni Cardinal Tagle, ito po’y hindi lang tanong ng pakikiusisa ng buhay ng mgay buhay, ito po’y may malalaim na kahulugan sa ating kultura dahil sa ating pannampalataya, naniniwala tayo na ang ating buhay ay paglalakbay, may pinanggalingan, may patutunguhan. Saan tayo galing, sa Diyos at saan tayo pupunta sa Diyos. Kaya lang meron pa po tayong minsan additional question sa tinanong natin kung saan siya galing, kung saan pupunta “paano ka pupunta sa pupuntahan mo?” siguro po kung ating pinanggalingan ay Diyos at pabalik tayo sa Diyos, wala pong ibang daan kundi ang ating Panginoong Hesukristo na nagsabing siya ang ating “Daan, Katotohanan at Buhay, walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan niya” (cf. John 14, 6) kaya nga po napakaganda na sa ating pamimintuho sa ating Mahal na Ina, tayo’y nagpapasalamat hindi lang dahil siyang Ina ng ating Panginoon, kundi dahil siya’y una at naging tapat na Disipulo, tagasunod ng ating Panginoon.

Kaya po nung ibinigay sa akin yung tema, sabi ko “akmang akma” dahl siguro kung sa ating paglalakbay sa buhay, kung ang ating goal ay maka-uwi sa Diyos, makabalik sa ating Ama at ang ating daan ay si Hesus, ating katotohanan at buhay ay si Hesus, siguro walang iba pang the best na kaagapay sa paglalakbay kundi ang ating Mahal na ina dahil sabi nga po “Mother knows best” at kung mayroon mang nakakailala sa ating lahat nang higit, ito ay ang ating mga magulang, lalo na ang ating mga Ina, dahil silang nagkanlong sa atin sa kanilang sinapupunan, silang nag-aruga sa atin kaya kabisadong kabisado tayo, kaya kung gusto nating mapalapit sa ating Panginoong Hesus, ang ating mabuting kaagapay, una’t higit sa lahat ay ang ating Mahal na Ina, kilalang kilala niya ang kanyang Anak mula sa sinapupunan hanggang sa paanan ng Krus at ngayon sa kalangitan, kapiling ang ating Panginoong Diyos.

Kaya nga po napakaganda ng ating Debosyon sa ating Mahal na Ina, hindi lang bilang sang Ina kungdi bilang isang kasama sa paglalakbay sa buhay. Siguro po kung bablikan natin, bakit nagpatuloy ang tradisyon na ito, bakit patuloy nating tinatanaw ng malaking utang na loob sa ating Mahal na Ina ang tagumpay naranasan natin, maraming daang taon na ang nakakalipas, ito’y dahil hindi lamang siya’y isang Ina kundi dahil siya’y hindi nagtapos ang kanyang panalangin doon sa tagumpay na iyon kundi sa ating sariling buhay ay patuloy siyang nakikilakbay, patuloy niya tayong sinasamahan sa ating paglalakbay at patuloy niyang ipinapakilala sa atin ang kanyang Anak na siya nating “Daan, Katotohanan at Buhay.”

Siguro po nagpapasalamat tayo sa ating Mahal na Ina dahil sa kanyang panalangin, napakarami nating nalagpasan sa buhay dahil itinuro niya sa atin ang Daan, sa mga pagkakataon na hindi natin alam at hindi natin maintindihan ang mga nangyayari sa ating buhay, sa mga pinagdadaanan natin sa buhay, siya ang nagturo sa atin kay Hesus na katotohanan, sa mga pagkakataong naghahanap pa tayo ng kahulugan ng buhay at nagnanais ng isang buhay na ganap at kasiya-siya, itinuturo niya sa atin si Hesus na siya nating buhay.

Kaya po kasabay ng ating pasasalamat sa Diyos sa biyaya ng isang Ina at kaagapay natin sa buhay, meron din pong hamon para sa atin. Taon ng kabataan ngayon, bilang paghahanda sa pagdiriwang natin ng Limangdaang taong Kristiyanismo dito sa Pilipinas, binibigyang focus ngayong taon na ito ang mga kabataan. Siguro po ang malaking hamon sa atin, kung paano nating naranasan ang pagagapay ng Mahal na Ina sa ating paglalakbay sa buhay, ituro din natin ito sa mga kabataan, madalas pong marining kahit minsan po sa akin “hindi namin maintindihan Father ang mga kabataan, ibang-iba” siguro mas marami tayong negative na nakikita at naobserbahan sa mga kabataan ngayon pero sa kabila po ng lahat, sila po ay importante, hindi dahil sila ang kinabukasan ng bayan, kundi sa pangungusap ng ating Santo Papa, they are “the now of God.” (cf. Pope Francis, Angelus during the Concluding Mass of the 34th World Youth Day, 27 January 2019) At kung gusto natin sila na makaranas ng buhay na ganap at kasiya-siya, kailangan natin silang akayin kay Hesus sa pamamagitan ng ating Mahal na ina, ipakilala natin ang ating Inang si Maria sa mga kabataan upang mas lubos nilang makilala si Hesus na nagbibigay buhay na ganap at kasiya-siya.

Marami pong pinagdadaanan ang mga kabataan ngyon, maraming pagbabago ang nagaganap sa kanila; physical, psychological, emotional, social, mental, marami sa mga kabataan ngayon laging bukang-bibig “depressed”, may mga kabataan na nagkikitil ng kanilang buhay, marming kabataan ang nawawalan ng pag-asa pero alam niyo po, itong ating Debosyon at pagdiriwang ngayon ay humahamon sa atin na huwag matigil sa atin kundi ipasa natin, ipamana natin, ibahagi natin, ikuwento natin, maging saksi tayo kung paano tayo ay binigyang agapay, kung paanong ang ating Mahal na Ina ay naging kaagapay natin sa ting paglalakbay sa buhay upang makita natin ang pag-ibig at katapatan ng Diyos, upang sila din ay makatagpo ng kaagapay sa katauhan ng ating Mahal na Ina na siguradong hindi magliligaw sa atin sapagkat ang tunay na pagmamahal kay Maria ay maghahatid sa atin kay Hesus na siya nating “Daan, Katotohanan at Buhay.”

Sa atin pong mga pagbasa at Ebanghelyo, hindi lang po ito mga pangalan kundi ipinapaalala sa atin kung paanong sa mahabang panahon, nakilakbay ang Diyos sa atin at sa kaganapan ng panahon, mismong ang Bugtong na Anak ang nakilakbay at umagapay sa atin at nangyari iyon dahil sa pagsang-ayon ng ating Mahal na Ina. Kaya’t ang ating pagmamahal sa kanya ay laging magdadala sa kanyang anak.

Kaya’t sa ating pagdiriwang na ito, patuloy nating alalahanin ang lahat ng kabataan na nawa makita nila ang ating Mahal na Ina bilang tunay na kaagapay sa paglalakbay sa buhay, patungo sa ating Diyos, kay Hesus na siya nating “Daan, Katotohanan at Buhay.” Amen.

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s