Holy Mass for the Memorial of Saint Therese of Lisieux
Homily Fr. Daniel Hui, Parochial Vicar
QUIAPO CHURCH, 1 OCTOBER 2019
Isang magandang umaga po sa inyong lahat.
May galit ba ang iyong puso? Meron ka bang katampuhan o meron kang kinaiinisan? Kung meron, para sa iyo ang Ebanghelyo natin ngayon.
Magandang balikan natin ang kuwento sa Ebanghelyo, si Hesus bago siya iakyat sa langit, pinasya niyang pumunta sa Herusalem ngunit may mga taong hindi gustong tanggapin siya lalo na yung mga Samaritano, ayaw siyang tanggapin sapagkat alam ng mga Samaritano ang Herusalem ay lugar ng mga Hudyo, kaaway ng mga Samaritano ang Hudyo kaya ganon na lang ang hindi nila pagtanggap kay Hesus.
Kaya nga yung mga Alagad ni Hesus na sina Santiago at Juan nagalit, galit sila sa mga taong ayaw tumanggap kay Hesus, galit sila sa mga taong ayaw maniwala kay Hesus, galit kaya ang sabi nila “Panginoon, kung pahihintulutan mo lang magpapababa kami ng mga apoy para pugnawin ang lahat ng mga taong iyan.” Pero maganda yung sinabi ni Hesus at magandang matuto sa sinabi ni Hesus, ang kanya lang sinabi “hindi ninyo alam kung anong uri ng Espiritu Santo ang sumasaiyo. Hindi ako naparito upang ipahamak ang tao kundi upang iligtas.”
Hindi ibig sabihin ikaw ay galit puwede ka nang gumawa ng masama sa iyong kapwa, hindi ibig sabihin ikaw ay sinaktan puwede mo naring saktan ang kapwa mo, hindi ibig sabihin ikaw ay pinagsalitaan meron ka na ring kapasidad o lisensya na pagsalitaan mo ang kapwa mo ng masama. Ito ang mensahe na gustong sabihin ni Hesus, hindi ibig sabihin ikaw ay galit, puwede ka na ring magalit sa iba.
Ang galit totoo, hindi kasalanan sapagkat puwede kang mag-isip ng paraan para hindi ka magkasala pag ikaw ay galit, ang galit hindi kasalanan sapagkat ito’y emosyon, ito’y nagiging kasalanan kapag ang iyong aksyon ay masama. Pag ikaw ay galit puwedeng kang lumayo na lang para hindi ka makapagsalita ng masama, kapag ikaw ay niyuyurakan o inaapi, puwedeng ipag kibit-balikat mo na lang, huwag mo nalang pansinin. Ganito ang ginawa ni Hesus sa ating Ebanghelyo, hindi man siya tinanggap, hindi man siya pinaniwalaan ngunit hindi naman siya nagalit at hindi siya nagpakita ng masama dahil siya ay galit.
Maging ganito ang leksyon at aral sa atin, kapag tayo’y galit, may mga bagay na puwede tayong gawin para huwag tayong magkasala sapagkat hindi lisensya sa atin na gumawa ng masama kahit na tayo ay ginagawan ng masama ng iba. Amen.