Holy Mass for the 25th Wednesday in Ordinary Time (Year C)
Homily by Fr. Daniel Hui
QUIAPO CHURCH, 25 SEPTEMBER 2019
Isang magandang umaga po sa inyong lahat.
Maganda ang paalala sa atin ng ating Poong Hesus Nazareno, yung narinig nating Ebanghelyo, nagbilin siya sa kanyang mga alagad, ang bilin niya, huwag magdala ng anuman sa kanilang paglalakbay, huwag magdala ng tungkod, ng supot, tinapay, salapi o bihisan, huwag magdala.
Bakit kaya? Kung titgnan natin, bakit bawal magdala ng ganung bagay sa paglalakbay, hindi ba importante naman iyon, importanteng may pagkain sa paglalakbay, importanteng mayroong bag, supot, importanteng mayroong pera, pero sabi ni Hesus “huwag” bakit? Kasi magandang tignan ano bang klaseng paglalakbay ang ibinibigay sa kanila ni Hesus, yung paglalakbay na iyon ay yung pagpapagiling mga maysakit, hindi ba?, ang paglalakbay na iyon ay tungkol sa pagapapalayas ng mga demonyo, pagpapangaral ng Salita ng Diyos, hindi iyon paglalakbay na outing, hindi iyon paglalakbay na pamamasyal, kaya sabi hi Hesus, hindi mo kailangan ng mga bag, supot, pera, pagkain dahil ang kailangan mo, makapagpagaling ng mga maysakit, makapagpalayas ng mga demonyo sapagkat iyon ang paglalakbay mo at iyon ang ibinigay ni Hesus sa kanila.
Una pa lang, bago nila binilinan sinabi ni Hesus “pinagkakalooban ko kayo ng kapangyarihang magpalayas ng demonyo, magpagaling ng mga maysakit at makapag pangaral” (cf. Lukas 9, 1-2) iyun lang ang dalhin mo, iyon ang baunin mo spagkat iyon ang importante sa klase ng paglalakbay mo. Huwag ka nang magdala ng iba pa, kung minsan diyan tayo nagkakamali, ang dami nating dala-dala, mali naman ang ating binibitbit, iyung paglalakbay mo bilang mag-asawa, nagpakasal kayo, magsasama kayo bilang mag-asawa, ang paglalakbay niyo ay pagiging mag-asawa dapat ang daladala mo katapatan, pagmamahal, pasensya, unawa, iyan ang dala mo pero ano ang binitbit mo, “dapat magkabahay tayo, dapat magkakotse tayo, yumaman tayo” iyan ang bitbit mo sa isip at puso mo kaya buong pagsasamo ninyo mag-asawa ang nasa isip niyo, magkabahay, magkakotse, magkapera, yumaman, nakalimutan ang pagmamahal, ang pagunawa, nakalimutan ang katapatan. Hindi sinasabing masama iyon pero alamin mo kung anong dapat dala mo, kung ang paglalakbay mo bilang estudyante ay makatapos ng pag-aaral, anong dala mo? Minsan ang dala mo Cellphone, yung iba namang babae ang dala lipstick kesa lapis, yung mga kolehiyo, ang mga kolehiyala, iyan ba ang dapat na dala, makakatulong pero ang dapat dala mo una utak, pangalawa kasipagan, pangatlo tiyaga, paano ka makakatapos ng pag-aaral kung ang bitbit mo lagi cellphone, ang bitbit mo lagi pera, bitbit mo lagi lipstick, make-up.
Alamin natin ano bang klase ng paglalakbay natin kung naglalakbay ka sa pananampalataya, ano ba dapat ang bitbit mo? okay may bitbit kang rosaryo, okay may bitbit kang bibliya, okay may bitbit kang nobenaryo pero hindi mo naman nadala ang pananampalataya, hindi mo naman nadala iyong pag-asa, pagtitiwala sa Diyos, wala rin lahat na mga bitbit mo. Si Ezra o si Esdras sa ating unang pagbasa, binitiwan niya ang lahat nung siya’y nag-makaawa, nanikluhod at nanalangin sa Diyos, sapagkat hindi mahalaga ang mga bagay na iyon dahil ang mahalaga sa kanya humingi ng awa at tawad sa Diyos. Ganito rin sa atin yung paglalakbay natin sa pananampalataya, bitawan mo iyang pride, bitawan mo iyang galit, bitawan mo iyang inis sa iyong puso dahil hindi iyan mahalaga para sa iyong ikabubuti.
Hindi sinasabi ni Hesus na huwag magdala ng mga bagay o materyal sa ating paglalakbay, ang sinabi lang niya bitbitin ang mga mas importanteng bagay sa tunay nating paglalakbay. Amen.